Inudyukan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel si Finance Secretary Ralph Recto na bumisita sa Japan at hingin ang tulong nito para mapondohan ang Mindanao Railway Project (MRP).
Ayon sa mambabatas, ayaw naman nila na maiwan ang Mindanao sa mga railway infrastructure development plan ng pamahalaan.
“We would urge the Finance Secretary to consider visiting Tokyo, for the purpose of seeking additional official development assistance (ODA) from Japan, this time for the MRP,” ani Pimentel.
Naniniwala ang kongresista na bukas ang Japanese government na tulungan ang Pilipinas sa pagsasakatuparan ng MRP lalo at interesado ito sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
Tinukoy nito na sa pagharap ni Japan Prime Minister Kishida Fumio sa joint session ng Kongreso noong nakaraang taon ay kinilala nito ang kahalagahan ng Mindanao sa “Free and Open Indo-Pacific” vision ng Japan.
Naantala ang MRP matapos ibasura ng Pilipinas ang loan negotiation nito kasama ang China noong nakaraang Oktubre.
Sa unang pagtaya ng NEDA, aabutin ng P83 bilyon ang phase 1 ng proyekto kung saan itatayo ang 102-kilometer train line na magdudugtong sa Tagum City Davao del Norte sa Digos City, Davao del Sur.
Habang sa kabuuan, ang MRP ay magkakaroon ng 1,544 kilometer railway mula General Santos, Cagayan de Oro, Iligan, Cotabato, Zamboanga, Butuan, Surigao, at Malaybalay.
“The MRP will surely drive Mindanao’s economic and jobs growth in a big way. The project will help fight unemployment and poverty – conditions that have bred instability,” sabi pa ni Pimentel. | ulat ni Kathleen Jean Forbes