Ikinasa ng Runrio Inc. katuwang ang National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS), Philippine Information Agency (PIA), at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang advocacy run para sa West Philippine Sea.
Layon ng nasabing serye ng advocacy run na pinamagatang “Takbo WPS: Ang Yaman Nito Para sa Pilipino,” ang mapalawak pa ang kamalayan ng publiko hinggil sa mga isyung nakapalibot sa WPS.
Nakatakda namang isagawa ang nasabing kaganapan sa tatlong lugar na magsisimula sa Maynila sa ika-7 ng Hulyo, na susundan sa Cebu sa Agosto 4, at isa pa sa ika-8 ng Setyembre na gaganapin sa Cagayan de Oro.
Pinuri naman ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya si Coach Rio Dela Cruz ng RunRio para sa initiyatiba na ito gayundin ang kahalagahan ng nasabing kaganapan.
Habang binigyang-diin ni Coast Guard Commodore Jay Tarriela ang kahalagahan ng pakikilahok ng pribadong sektor at hinikayat ang iba pang kumpanya na suportahan ang Pangulo para sa mga adbokasiya sa West Philippine Sea. | ulat ni EJ Lazaro