Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Tara, Basa! Tutoring Program sa Samar ngayong araw.
Ang naturang programa ay pinahusay na educational assistance ng ahensya.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang paglulunsad ng Tara, Basa! Tutoring Program.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng programa upang masugpo ang learning poverty at matulungan ang mga estudyante sa kolehiyo na nangangailangan ng suporta sa kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng programang ito, ang mga estudyante mula sa mga piling pampublikong unibersidad sa Samar ay gagawing mga tutor at youth development worker.
Makatatanggap naman ang mga tutor at youth development worker ng educational support galing sa DSWD.
Tinatayang 2,000 estudyante sa elementarya na nahihirapang magbasa, 200 tutors, at 40 youth development workers ang makikinabang sa programang ito sa Samar.| ulat ni Diane Lear