Hindi mo na kailangang mag-book ng flight papunta ng Thailand para matikman ang kanilang mga ipinagmamalaking mga delicacy dahil ngayong araw tampok sa isinasagawang Thailand-Philippines Street Food Festival sa Makati City ang samu’t saring Thai food kabilang pa riyan ang ilan sa sarili nating mga pagkain.
Matatagpuan sa nasabing Street Food Festival ang mga kilalang
Thai delicacy tulad ng Pad Thai, na parang pansit na may halong mani, toge, itlog, at may sahog na manok o ‘di kaya ay hipon o tokwa.
Meron ding Chiken Satay o ang kanilang sariling bersyon ng chicken barbecue.
Kung desert naman ang hanap, present din dito ang Mango Sticky Rice, o ang manga na may malagkit at tsaka lalagyan ng gatas sa ibabaw.
Samantala, pagdating sa mga Pinoy food may makikitang nagtitinda ng mga tusok-tusok, lugaw, halo-halo, at marami pang iba.
Kahapon pormal na binuksan ang Thailand-Philippines Street Food Festival na pinangunahan ni Thailand Ambassador to the Philippines Tull Traisorat kasama si Makati Mayor Abby Binay at ilang miyembro ng gabinete tulad nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, Department of Tourism (DO Secretary Maria Christina Frasco, Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, at iba pang miyembro ng Diplomatic Corps.
Sa mga nais pumunta ngayong araw, magtungo lamang sa Thailand (Rada) Street sa Brgy. San Lorenzo, Makati City dahil hanggang mamayang gabi mananatiling bukas ang mga tindahan sa nasabing food festival.
Sa mga motorista namang magagawi sa lugar, pinapayuhan ang mga manggagaling ng Gamboa Street na kumanan sa Legazpi Street hanggang makarating sa kani-kanilang destinasyon.
Ang nasabing festival ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 Jubilee Celebration ng diplomatic ties sa pagitan ng Thailand at Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro