Lubos na ikinagagalak nina Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson at Vice Governor Jeffrey Ferrer ang naging pahayag ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr patungkol sa pagsasabatas ng Negros Island Region (NIR) Bill.
Sa NIR Bill, magiging bahagi ng isang administrative region ang mga lalawigan ng Negros Occidental, na ngayon ay bahagi ng Western Visayas, at Negros Oriental at Siquijor ng Central Visayas.
Ayon kay Governor Lacson, mula pa noong naipasa sa Kamara at Senado ang panukalang batas ay tiwala siya na susuportahan ito ng Presidente at ngayong nagsalita na mismo ang Pangulo patungkol dito ay lubos ang kanyang pasasalamat.
Samantala, ikinagalak din ni Vice Governor Ferrer na dininig ng Pangulo ang dalangin niya na maging batas ang NIR Bill at tiwalang maisakatuparan rin ang pagtatayo ng Panay-Guimaras-Negros Bridges.
Matatandaan na sa kanyang pagbisita sa Bacolod City ay pinabatid ni Pangulong Marcos Jr. na malamang ay lalagdaan niya ang NIR Bill lalo na’t alam niya ang hirap ng mga residente ng mga nasabing lalawigan.| ulat ni JP Hervas| RP1 Iloilo