Normal ang sitwasyon sa kalsada sa bahagi ng Monumento sa Caloocan City sa kabila ng transport strike ng grupong PISTON.
Karamihan kasi ng mga bumibyaheng jeepney driver ay bahagi na ng kooperatiba kaya hindi na nakisali pa sa tigil-pasada.
Kabilang rito si Mang Jisser na noong Nobyembre pa nakisali sa Metro North District Transport Corporation.
Dahil dito, hindi na aniya siya nanghihinayang sa mawawalang kita dahil hindi na apektado ng tigil-pasada.
Tuloy rin ang byahe ng tsuper na si Robin na may sticker na nakadikit sa harapang bahagi ng kanyang jeep kung saan nakasulat ang pangalan ng sinalihang kooperatiba na Sakramento Transport Cooperative.
Una nang sinabi ng LTFRB na hindi uubra ang panibagong transport strike ng grupong PISTON simula ngayong araw.
Hinimok din nito ang mga tsuper na hindi nakapag-consolidate na mag-apply bilang mga driver o passenger assistant sa mga iba’t ibang kooperatibang nakakuha ng prangkisa upang hindi sila mawalan ng pagkakakitaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa