Pinasinungalingan ng National Security Council (NSC) ang inilabas na pahayag ng Chinese Embassy na may “new model” na kasunduan ang administrasyon Marcos at China hinggil sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, bagong pakulo at imbensyon lang daw ito ng Chinese Embassy.
Layunin nitong pagsabungin at magkawatak-watak ang mga Pilipino para humina ang posisyon ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Aniya, malinaw ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang kasunduan sa Ayungin at magpapatuloy ang misyon ng bansa sa sariling Exclusive Economic Zone (EEZ) alinsunod sa international law.
Base sa pahayag ng Chinese Embassy kamakailan, bukod sa gentleman’s agreement ng dating administrasyon, mayroon umanong “new model” na napagkasunduan ngayong taon na hindi tinupad at inabandona ng pamahalaan. | ulat ni Rey Ferrer