Nirerepaso na ng Department of Agriculture (DA) ang voucher system ng National Rice Program at asahan ang malaking pagbabago sa susunod na mga buwan.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. kailangang ayusin ang voucher system upang matiyak na nagagamit ng maayos ang pondo ng gobyerno.
Gayundin ang matiyak na makakakuha ng buong benepisyo ang mga magsasaka at mapataas ang produksyon ng bigas.
Sa ilalim ng programa, ang DA ang namamahagi ng mga voucher sa farmer beneficiaries na maaaring ipagpalit sa farm inputs kabilang ang fertilizers at binhi ng palay sa mga accredited merchant ng DA.
Pero ayon sa DA chief, maraming mangangalakal ang tumanggi na sa vouchers dahil hindi pa sila nababayaran na aabot na sa P892 milyon–ang ilan ay noon pang 2021.
Ang bulto ng atraso na nagkakahalaga ng P849 million ay mga dapat bayaran mula sa katatapos na 2023-2024 Dry Season implementation.
Ang mga pagkaantala sa pagbabayad ay kadalasang dahil sa hindi kumpletong mga kinakailangan na dokumentaryo.
Ang DA, katuwang ang Development Bank of the Philippines ay nagsusulong na ng mga bagong proseso para sa pag-aayos ng mga account sa mga accredited merchant o mangangalakal. | ulat ni Rey Ferrer