Hindi isinasantabi ng Task Force El Niño ang posibilidad ng pagbaba sa kritikal level ng Angat Dam, lalo’t nagkasabay ang El Niño at summer season sa bansa.
Ayon kay Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama, tuwing tag-init inaasahan na ang pagbaba sa 30 centimeters kada araw ng lebel ng Angat Dam.
Isama pa aniya sa mga factor na nakakaapekto dito ang pagtaas ng pagkonsumo ng tubig ng bawat bahay, nariyan rin ang evaporation, at kakulangan ng ulan.
Gayunpaman sa kasalukuyan, wala pa namang nakikitang problema o hindi pa naman nakikita ang pagbaba sa critical level na 180-meter ang Angat dam.
Una na ring siniguro ng opisyal na may back up plan ang gobyerno sakaling sumadsad ang lebel ng tubig sa dam.
“Mayroon tayong 137 na deep wells na nakastandby po sa Metro Manila at kalapit na lalawigan ng Rizal so actually, 69 ay on standby, 10 are actually being used… Isa pa pwede kunin ng tubig ay yung package treatment plants, I believe ang East and West concessionaires, mayroon silang access to at least 3. Ang Maynilad recently inaugurated package treatment plants sa Muntinlupa, I believe sa Putatan, ang gibagamit po doon ay ang tubig mula sa Laguna de Bay.” -Asec Villarama. | ulat ni Racquel Bayan