Inirekomenda ng World Bank sa Pilipinas na muling pag-aralan ang ipinagkakaloob na Value Added Tax (VAT) exemption upang tumaas ang revenue collection at hindi na kailangan magtaas pa ng buwis.
Sa press briefing, sinabi ni World Bank Lead Economist for the Philippines Gonzalo Varela na maaring pataasin ang koleksyon ng buwis sa pamamagitan ng mas pinahusay na tax administration.
Aniya napakaraming VAT exemptions sa VAT Zero-Rated Sectors na nagpapagulo sa sistema kaya nababawasan ang kapasidad ng pangongolekta ng buwis.
Hindi, aniya, matukoy kung ang nakikinabang ba ng VAT exemption ay mga mahihirap o mas lalong nagpapayaman sa mga may kaya, kaya mas mainam na i-streamline ito.
Base sa pag-aaral ng WB noong 2018, tinatayang nasa ₱539-billion pesos ang nawawalang kita na sana ng gobyerno na napupunta sa VAT exemptions.
Dagdag pa nito na malaking tulong ang digitalization sa pagkamit ng revenue target ng gobyerno. | ulat ni Melany Valdoz Reyes