₱15.5B advance payment ng PhilHealth sa mga ospital, papaimbestigahan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nais paimbestigahan ng Kamara ang ₱15.5-bilyong advance payment na ibinigay ng PhilHealth sa mga ospital sa ilalim ng kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) program.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkules, sinilip ng mga kongresista ang legalidad ng ipinatupad na IRM program noong nakaraang administrasyon.

Ayon kay Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas mayroong mga alegasyon na nauwi lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ang pondong inilabas ng PhilHealth.

“Ang allegation ay ₱15.5-billion na binulsa umano ng PhilHealth officials through fraudulent schemes? Pinautang sa mga negosyante and hospital owners itong budget na ito para sana sa emergency fund para sa mga natural disasters? Meron na rin ba na naging liable baka maaari na nating makuha ang report nila?” tanong ni Brosas.

Nakuwestyon din ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang legalidad ng paggamit ng pondo ng PhilHealth para maging kapital ng mga pribadong ospital at ospital ng gobyerno.

“Ano ba ang ginawa? Ang ginawa noong nakaraang administrasyon, ginamit ang pera ng PhilHealth. Ang pera ng PhilHealth hindi ‘yan government funds. Pondo ‘yan ng mga miyembro ng PhilHealth because it’s an insurance mechanism,” punto ni Garin.

Nausisa rin ni Appropriations Committee Vice Chair Stella Quimbo kung papaano pinili ang mga ospital na binigyan ng pondo mula sa IRM program.

“Nagkaroon din tayo ng initial findings na ang pagpili ng facilities na nakatanggap ng IRM ay tila walang naging connection sa COVID patterns. So sino, paano pinili ang facilities na ito?” tanong ni Quimbo.

Para naman malinawan ito humirit si Brosas na imbitahan ang mga dating opisyal ng PhilHealth na nagpatupad ng IRM sa isang pagdinig.

Hiniling din ng komite sa PhilHealth na isumite ang pangalan ng mga opisyal na kasali sa paglikha ng programa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us