Patok ngayon sa mga mamimili ang ₱39 kada kilo ng bigas, mabibili na sa KADIWA ng Pangulo sa San Juan City ngayong araw.
Ito’y bilang pagtalima na rin sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ihatid sa publiko ang murang bigas sa gitna na rin ng epektong dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Matatagpuan ang KADIWA ng Pangulo sa San Juan City Hall Atrium na nagbukas kanina pang alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon at magtatagal naman hanggang bukas, May 16.
Hanggang 25 kilo o kalahating kabang bigas ang maaaring bilhin ng mga mamimili, hindi katulad dati na limitado lamang sa tig-5 kilo ang bentahan ng murang bigas.
Maliban sa bigas ay maaari ring makabili rito ng murang gulay at prutas na
₱10 hanggang ₱20 mas mura kumpara sa mga agri product na mabibili sa palengke.
Ilan sa mga ito ay ang Kalabasa at Upo na nasa ₱40 ang kada kilo, Talong na nasa ₱70 ang kada kilo, Sitaw ay nasa ₱90 ang kada kilo, Kangkong na nasa ₱15 kada tali.
Mura rin ang highland vegetables dito gaya ng Brocolli at Cauliflower na nasa ₱150 ang kada kilo, Repolyo, at Sayote na nasa ₱60 ang kada kilo.
Bukod dito, may mabibili ring mga local product gaya ng kakanin, tinapay at iba pa.
Hinikayat naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang mga residente ng San Juan gayundin ang mga nasa karatig lugar na tangkilikin ang murang produktong hatid ng KADIWA ng Pangulo. | ulat ni Jaymark Dagala