Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa 13 indibiduwal na umano’y sangkot sa mga insidente ng pagdukot sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, magsisilbi lang sana ng warrant of arrest ang mga operatiba ng CIDG laban kay Musa Ali Alamada alyas Commander Paradise subalit nabigo ito.
Sinampahan kasi ng kasong kidnapping, serious illegal detention at destructive arson si Alamada kaya’t ipinag-utos ng korte ang pagpapaaresto rito.
Nagawang makatakas ng target sa itinuturong hideout nito sa Brgy. Macaguiling nang makatunog na sasalakayin ng Pulisya ang kanilang lugar.
Kasunod nito, inaresto naman ng mga operatibang nagkasa ng operasyon ang 13 indibiduwal na sinasabing tagasunod ni Alamada na isang dating Commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nakuha sa pinangyarihan ng operasyon ang matataas na kalibre ng armas, mga bala, gayundin ng iba’t ibang pampasabog.
Batay naman sa impormasyon mula sa Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) may patong sa ulo ni Alamada na nagkakahalaga ng ₱1.2 milyong piso. | ulat ni Jaymark Dagala