Sa wakas ay natanggap na ng may 145 mga dating nagtra-trabaho sa Intercontinental Broadcasting Corp. o IBC 13 ang kanilang retirement pay matapos ang mahigit na 2 dekada.
Sa Facebook post ng PCO ay makikitang pinangunahan ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil ang pamamahagi ng retirement benefits ng mga dating naglingkod sa IBC 13.
Ayon kay secretary Garafil, lumalabas na bumilang ng kabuuang 22 taon at 28 management ng IBC ang lumipas bago ganap na nakuha ng mga retirees ang kanilang benepisyo.
Sa kabilang dako’y lumalabas na 25 mga retirees ay napag-alamang sumakabilang buhay na.
Sa naging talumpati din ng Kalihim ay binigyang diin nito na ang settlement sa retirement benefits ng mga taga-channel 13 ang isa sa mga marching orders ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat maisakatuparan sa ilalim ng kanyang termino.
Base sa ulat, nasa 500 million ang pondong itinabi para sa benepisyo ng mga dating nanilbihan sa nasabing government-owned media company. | ulat ni Alvin Baltazar