Inilagay na sa restrictive custody ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) ang dalawang tauhan nito na sangkot sa “moonlighting” matapos magsilbing bodyguard ng isang Chinese national.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, ito’y makaraang ipag-utos ng prosecutor’s office ang pagpapalaya sa 2 SAF commando sa kulungan.
Nakasaad aniya sa naging resolusyon ng taga-usig na binibigyan ang mga ito ng pagkakataong ilahad ang kanilang panig sa pamamagitan ng isusumite nilang counter-affidavit.
Magugunitang nabisto ang “raket” ng dalawang SAF commando matapos magsuntukan sa isang kilalang subdivision sa Muntinlupa City noong May 18.
Kaya naman matapos na makalaya sa kulungan ang mga sangkot na pulis ay agad itong ipinasundo ng liderato ng SAF para dalhin sa kanilang Punong Tanggapan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna. | ulat ni Jaymark Dagala