Matagumpay na naisagawa ang 2024 Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA) Meet sa Negros Occidental.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Iloilo kay Hernani Escullar Jr., Regional Information Officer ng Department of Education (DepEd-6), walang naitalang ‘major incident’ ang ahensya mula nang magsimula ang WVRAA Meet noong Mayo 2 hanggang sa ito ang natapos ng Martes, Mayo 7.
Ayon kay Escullar, hindi maiiwasang may masugatan na mga atleta habang naglalaro ngunit agad silang nabigyan ng atensyong medikal.
Samantala, idineklarang kampeon ang Iloilo sa Regular Sports Elementary and Secondary gayundin sa Para Games at Demo Sports sa 2024 WVRAA Meet.
Nakakuha ang Iloilo ng 72 gold, 51 silver at 38 bronze sa Elementary Regular Sports; 103 gold, 76 silver at 64 bronze sa Secondary Regular Sports; 37 gold, 25 silver at 7 bronze sa Para Games at 6 gold, 7 silver at 2 bronze sa Demo Sports.
First runner-up ang Negros Occidental sa Elementary at Secondary Regular Sports gayundin sa Para Games, at ang Aklan ay 2nd runner-up sa Elementary at Secondary Regular Sports gayundin sa Para-Games at Demo Sports.
First runner-up naman sa Demo Sports ang lalawigan ng Capiz.
Kinilala rin na Cleanest and Greenest Delegation at Best in Uniform ang Capiz; Best in Saludo ang Guimaras; Most Festive Delegation ang Antique; at Most Diciplined Delegation ang Guimaras.
Ang lalawigan ng Antique ang napiling host ng 2025 WVRAA Meet. l ulat ni Merianne Grace Ereñeta | RP Iloilo
📷: Provincial Gov’t of Negros Occidental