Kabuuang dalawamput walong (28) lugar sa bansa ang papalo pa sa “danger level” ang heat index ngayong araw.
Ayon sa heat index forecast ng PAGASA, pinakamataas na heat index na posibleng mararamdaman ay sa Virac, Catanduanes na aabot sa 46°C habang 45°C naman sa Appari, Cagayan.
Limang lugar din sa bansa ang papalo ang heat index sa 44°C.
Ito ay kinabibilangan ng Laoag City sa Ilocos Norte, Tuguegarao City sa Cagayan, Puerto Princesa City sa Palawan, Roxas City sa Capiz at Guiuan sa Eastern Samar.
Bagama’t may pagkakataong nakararanas ng mga mahina at kaunting pag-ulan, nangingibabaw pa rin ang tindi ng init ng panahon.
Posibleng makaranas ng heat cramps, pagkahapo at heat strokes kapag matagal ang pagkababad sa init ng araw.
Samantala, sa bahagi ng Pasay, posible ring pumalo ang heat index na 41°C at 40°C naman sa Quezon City na itinuturing na nasa “extreme caution” category. | ulat ni Rey Ferrer