Inaasahang magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon, gayundin ang mapanganib na lebel ng heat index sa maraming lugar sa bansa ngayong Lunes.
Batay kasi sa heat index forecast ng PAGASA, nasa 30 lugar ang posibleng makaranas ng hindi bababa sa 42°C na heat index.
Pinakamataas ang 47°C na damang init na inaasahan sa Dagupan City sa Pangasinan, at sa Aparri sa Cagayan.
Babala ng PAGASA, sa ilalim nito, mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Bukod sa Pangasinan, nasa 45-46°C din ang heat index sa Laoag City sa Ilocos Norte; Pili, Camarines Sur at Guiuan, Eastern Samar.
Dito naman sa Metro Manila, nasa 41°C ang posibleng maitalang heat index sa Quezon City habang 42°C naman sa Pasay City. | ulat ni Merry Ann Bastasa