Nailigtas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Aroroy, sa Masbate, ang nasa 35 pasahero ng lumubog na bangka sa karagatang malapit sa nasabing bayan, nitong Mayo 24.
Ayon sa ulat, bagama’t may banta ng sama ng panahon dulot ng bagyong #AghonPH, bumiyahe pa rin ang naturang bangka dakong alas-7:30 ng umaga mula sa pantalan ng Claveria, na patungo sana sa Masbate City.
Sa kalagitnaan ng biyahe ay biglang sinalubong umano ang bangka ng hangin at ulan na naging sanhi ng paglubog nito.
Agad naman itong nirespondehan ng MDRRMO Aroroy at ligtas naman umano ang lahat ng pasahero pati na ang mga tripulanteng sakay ng bangka, at nabigyan ang mga ito ng asistensiya.
Samantala, simula pa kahapon ng tanghali ay hindi na pinahihintulutan ng Philippine Coast Guard – Masbate ang paglalayag ng sasakyang pandagat sa lalawigan bunsod ng bagyong Aghon.| ulat ni Jan Tatad| RP1 Virac