Pinakikilos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para mabigyan ng access sa tubig ang may 40 milyong Pilipino na hanggang ngayon ay walang mapagkukunan ng malinis na tubig.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni DENR Undersecretary Dr. Carlos David na karamihan sa mga tinaguriang ‘underserved’ ay nasa bahagi ng Mindanao.
Hindi aniya katanggap-tanggap kay Pangulong Marcos na mayroon pa rin tayong mga kababayan na walang access sa malinis na tubig.
Sinabi ni David na karaniwang pinagkukunan ng tubig ng mga hindi pa rin nabibiyayaan nating mga kababayan na kasama sa 40 milyong ‘underserved’ ay sa pamamagitan ng flowing water, mga creek at tubig ulan.
Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa isinagawang sectoral meeting kaninang umaga kung saan ay napag-usapan din ang tungkol sa flood management program ng pamahalaan. | ulat ni Alvin Baltazar