Tuloy-tuloy ang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga kalsada sa Metro Manila laban sa mga pasaway na motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Ito’y kasunod ng ikinasang operasyon ng MMDA Special Operations Group-Strike Force partikular na sa bahagi ng EDSA Extension sa Pasay City gayundin sa Anda Circle sa Maynila, kagabi.
Nagresulta ito sa pagkakaharang sa apat na HiAce van at isang out of line na bus sa magkakahiwalay na anti-colorum operations nito.
Dahil dito, binigyan sila ng citation ticket gayundin ay nakumpiska pa ang lisensya ng mga tsuper na mahaharap sa mabigat na parusa.
Ayon sa MMDA, ang anti-colorum operations ay bahagi ng kampanyang #BagongPilipinas upang pairalin ang disiplina sa kalsada, maprotektahan ang kaligtasan ng mga mananakay, at mailayo sila sa mga nananamantala o naniningil ng sobrang pamasahe. | ulat ni Jaymark Dagala