Pinayagan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang Department of Education (DepEd) na lumikha ng 5,000 na non-teaching position para sa taong ito.
Ito’y matapos aprubahan ng DBM ang paglikha ng nasabing mga pwesto upang mabawasan ang bigat ng trabaho ng mga guro.
Ayon kay Budget Secretary Aminah Pangandaman, pinayagan na nila ang pagdadagdag ng mga bagong non-teaching items upang ituon ng mga guro ang kanilang panahon sa pagtuturo sa mga bata.
Ang hakbang ng DBM na magdagdag ng non-teaching position ay base na rin sa hangarin ng Marcos Jr. administration sa kabuuang kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Ide-deploy ang 5,000 non-teaching positions sa loob ng DepEd, mga Administrative Officer (AO) II positions na may Salary Grade (SG) 11 para sa FY 2024, sa iba’t ibang School Division Office at mga paaralan sa Cordillera Administrative Region, National Capital Region (NCR), Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, at CARAGA.
Bukod dito, ang nararapat na kailangang pondo para sa mga filled positions mula sa nilikhang mga posisyon, ay manggagaling sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund sa FY 2024 General Appropriations Act, habang ang Retirement at Life Insurance Premium ay babayaran mula sa Automatic Appropriations. | ulat ni Mike Rogas