Inanunsyo ng “Atin Ito Coalition” na matagumpay na nakarating sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea ang kanilang advance team, at nakapagpamahagi ng mga supply sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Ayon sa grupo, nauna ng isang araw ang paglalayag ng advance team patungong Bajo de Masinloc sa pagsisimula ng civilian supply mission noong Mayo 14, 2024.
Sinabi ng grupo na nakarating ang advance team noong Mayo 15 sa 25-30 milya mula sa Bajo de Masinloc, at namahagi ng krudo at pagkain sa tinatayang 144 Pilipinong mangingisda sa anim na mother boat at 36 na maliliit na banka.
Sa kabila ng pag-shadow ng Chinese Navy ship na may body number 175, nagawa ng grupo na magpamahagi ng 1,000 litro ng diesel at 200 food pack.
Sinabi ni Akbayan President at Atin ito Co-convenor Rafaela David, na ang tagumpay na ito ay nagsisilbing “mission accomplished” para sa kanila sa pagsuporta at pagpapaabot ng essential supplies sa mga mangingisda sa lugar. | ulat ni Leo Sarne