Inayunan ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang suhestiyon na ibalik na ang dating school calendar ng mga estudyante simula sa susunod na academic year, kung saan bubuksan na ang klase sa Hunyo at matatapos ito sa Marso.
Naiintindihan aniya ng senador ang hinaing ng mga estudyante, magulang, mga guro, at mga non-teaching personnel ng mga paaralan tungkol sa painit na painit na panahon na nagdudulot ng pasakit at panganib sa kalusugan.
Kaya naman giit ni Revilla na mainam na ibalik na lang ang dating school calendar para hindi na umabot sa mainit na buwan gaya ng Abril at Mayo ang pasok ng mga mag-aaral.
Pinunto rin ng mambabatas na nitong mga nakalipas na linggo ay hindi rin naman face-to-face ang nagiging klase kaya dapat na talagang ibalik ang dating schedule para hindi mabawasan ang mga school days na pumapasok ng pisikal ang mga estudyante.
Binigyang-diin ni Revilla na ang prayoridad ay ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga mag-aaral. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion