Mariing itinanggi ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang alegasyon ng Kabataan at ACT Teachers Party-list na namahagi ng mga pamphlet ang militar sa Taytay Senior High School sa Rizal, kung saan ipinakita umano ang mga rallyista bilang mga terorista.
Sa isang kalatas, sinabi ni NTF-ELCAC Media Bureau Chief Joel Egco, na kung susuriing mabuti ang naturang pamphlet walang anumang bahagi nito ang tumutukoy sa mga rallyista bilang mga terorista.
Paliwanag ni Egco, layon lang ng pamphlet na ipaalam sa mga estudyante ang modus operandi ng mga recruiter ng New People’s Army (NPA), sa pamamagitan ng “facts” base sa ebidensya, at walang tinukoy dito na iba pang organisasyon.
Ang pamphlet ay ipinamahagi sa mga mag-aaral bilang bahagi ng civic education program ng militar para mapalawak ang kaalaman ng Kabataan tungkol sa mga banta sa pambansang seguridad, at panganib mula sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), na isang “designated” terrorist organization ng Pilipinas at iba pang mga bansa. | ulat ni Leo Sarne