Inireklamo sa Office of the Ombudsman ang alkalde at iba pang opisyal ng Cabiao, Nueva Ecija dahil sa umano’y katiwalian.
Ito ay kaugnay ng umano’y P1.3-M suplay ng gasolina, diesel at lubricants para sa lokal na pamahalaan.
Sa complaint na inihain ni Cabiao, Nueva Ecija Councilor Julito “Jumar” Wycoco at indie film director Noel “el tarik” Montano, kabilang sa inireklamo ay sina Mayor Ramil Rivera, Vice Mayor Marcelino Simbillo, Councilor Rav Kevin Rivera, dating SK President Leonard James Galang at negosyanteng si Maria Luisa Galang.
Kabilang sa reklamo ay paglabag sa section 3 at section 4 ng RA3019 o anti graft and corrupt practices act, section 7 at 9 ng RA 6713 o conflict of interest, section 89 at 90 ng Local Government Code of 1991 at Grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sa dokumento ng mga complainant, noong Dec. 27, 2022 ang isang sulat umano ni Mayor Rivera kay Vice Mayor Simbillo at Coun. Rivera na isama sa agenda ang pagbabayad sa M.S. Galang gasoline station.
Sinasabing may kaugnayan ito sa mga opisyal dahil ang M.S galang gasoline station ay pag-aari umano ng negosyanteng si Maria Luisa Galang na manugang si Coun. Rivera habang kapatid naman nito si Vice Mayor Simbillo at anak naman niya ang dating SK President na si James Galang.
Magbalae naman sina Ginang Galang at Mayor Rivera dahil manugang ng negosyante ang anak ng alkalde.
Giit pa ng mga complainant, wala umanong nangyaring public bidding sa suplay ng diesel at gasolina. | ulat ni Merry Ann Bastasa