Hinihingi ngayon ng isang pribadong kompanya sa Nasugbu Batangas ang paumanhin ni Mayor Antonio Jose Barcelon dahil sa maling impormasyon na inilathala nito sa mga pahayagan at pinadalhan pa ang isang banko.
Sa naturang ulat, binanggit ng alkalde ang umanoy kabiguan ng Roxas and Company Inc na magbayad ng real property tax sa naturang bayan.
Pinadalhan din daw ni Mayor Barcelon ng notice ang Board ng RCI na ipapawalang bisa ang kanilang business permit.
Ayon sa kompanya, mali ang paratang ng alkalde dahil ang tinukoy nitong lupa ng RCI ay matagal ng kinuha ng gobyerno at ipinamigay sa mga agricultural reform beneficiaries.
Wala daw natanggap na notice o official statement of account ang RCI mula sa Nasugbu LGU o kahit sa Provincial Treasurer patungkol sa obligasyon nito na magbayad ng real property tax.
Hindi rin daw makikinabang ang RCI sa tinutukoy na lupa kahit pa may desisyon na ang Supreme Court na nagpapawalang-bisa sa ginawang pag-award ng Department of Agrarian Reform sa mga magsasaka.
Dahil dito, hinihingi nila kay Mayor Barcelon na mag public apology at ituwid ang kanyang mga paratang laban sa RCI ngunit kung magma matigas siya ay nakahanda ang kompanya na gumawa ng legal na hakbang laban dito. | ulat ni Michael Rogas