Daragdagan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon na ibinibigay ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga concessionaires nito na Maynilad at Manila Water simula sa Hunyo.
Ayon kay MWSS Department Manager Engr. Patrick Dizon, mula sa kasalukuyang 49 cubic meters per second (CMS) ay iaangat sa 51 CMS ang alokasyon ng tubig para manatiling sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa Quezon City Journalists Forum, ipinaliwanag ni Engr. Dizon na kasama sa naging konsiderasyon ang magandang weather projection ng PAGASA sa mga susunod na buwan kabilang ang inaasahang pagpasok na ng panahon ng tag-ulan na itinuturing na recovery period para makapag-ipon muli ng tubig ang mga water reservoir kabilang ang Angat Dam.
Patuloy pa rin namang hihiram ang MWSS ng one cubic meter per second (CMS) ng tubig sa irigasyon para manatiling nasa 52 CMS pa rin ang napupuntang alokasyon sa Metro Manila at masigurong hindi makararanas ng water interruption ang mga customer.
Kaugnay nito, sinabi din ni Engr. Dizon ang tuloy-tuloy nang paghahanda ng mga water concessionaire sa panahon ng La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa