Tuluyan nang lumusot sa Kamara ang House Bill 10381 o panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law.
Sa botong 231 na pabor, ay pinagtibay ng kapulungan ang panukala na magpapalakas sa rice buffer stocking at market intervention para mapababa ang presyo ng bigas.
Mananatili ang mandato ng National Food Authority (NFA) na mag imbak ng bigas na bibilhin mula sa lokal na magsasaka gayundin ay irehistro at bantayan ang lahat ng grain warehouse.
Makababalik na rin ang NFA rice sa merkado, lalo na sa panahon ng emergency.
Maaaring ideklara ng Department of Agriculture ang food security emergency kung may kakulangan sa suplay o tuloy-tuloy na pagtaas sa presyo ng bigas.
Sakaling magkulang ang suplay pwede na ulit mag-import ng bigas ang NFA ngunit sa pahintulot lamang ng Agriculture secretary.
Palalawigin din ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng anim na taon pa at itataas ang alokasyon sa ₱15 billion mula ₱10 billion.
Nagpasalamat naman si Speaker Martin Romualdez sa suporta ng mga kasamahan para sa pagpapatibay ng panukala.
Malaking bagay aniya ito bilang commitment sa pagkamit ng katatagan sa pagkain.
Una naman nang inihayag ni House Majority leader Mannix Dalipe na sana ay mapagtuunan ng pansin ng bagong liderato ng Senado ang amyenda sa RTL. | ulat ni Kathleen Jean Forbes