Malapit nang umabot sa minimum operating level ang kasalukuyang antas ng tubig sa Angat Dam.
Araw-araw pa rin kasing nababawasan ang water elevation sa dam dahil pa rin sa kakapusan ng ulan sa watershed.
Sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydromet Division kaninang alas-8 ng umaga, nabawasan pa ng 40 sentimetro ang dam kaya nasa 184.78 meters na lamang ang antas nito.
Higit apat na metro na lang ang agwat nito mula sa 180 meters na minimum operating level ng dam.
Una nang sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) na hindi pa nito babawasan ang alokasyon sa Metro Manila hanggang sa May 15 pero kung magpapatuloy ang pagsadsad ng tubig sa Angat Dam ay maaaring magbawas na ang gobyerno ng water allocation sa Maynilad at Manila Water sa susunod na linggo.
Sa kabila nito, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na walang magiging water interruption dahil nakalatag na rin ang interventions ng dalawang water concessionaire. | ulat ni Merry Ann Bastasa