Pinuri ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Local Government Unit ng Davao City dahil sa pagtatatag ng isang ganap na automated electronic Business One-Stop Shop (eBOSS).
Personal na ibinigay ni ARTA Secretary Ernesto Perez ang Certificate of Commendation kay Davao City Acting City Administrator Francis Mark Layog sa ngalan ni Mayor Sebastian Duterte.
Sa kanyang pahayag, pinuri ng kalihim ang pamunuan ni Davao City Mayor Baste Duterte at ng kanyang buong LGU team sa pagsisikap na makapagtatag ng ganap na automated eBOSS.
Ang Davao City ay ika-29 na LGU na nagtatag ng digitalized platform na ito sa buong bansa. Patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng bureaucratic efficiency.
Ang eBOSS, isang pinag-isang portal para sa pag-aaplay ng business permit, clearance, at awtorisasyon, ay ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade at Industry (DTI) at ARTA upang isulong ang kadalian ng paggawa ng negosyo. | ulat ni Rey Ferrer