Umalma si House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jefferson Khonghun sa pagdadawit ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa umano’y tangkang pagpapatalsik ng kampo ni dating Pang. Rodrigo Duterte kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Khonghun, unfair o hindi patas ang mga pahayag na ito ng dating senador na nagdadawit sa mga heneral ng pulisya at militar sa umano’y “ouster plot” kay Pang. Marcos Jr.
Giit ni Khonghun, huwag naman sana idamay ang mga opisyal ng PNP at AFP lalo na at mahalaga silang sangay ng pamahalaan at bahagi sila ng mga awtoridad na nagpapatupad ng batas.
Hirit pa ng Zambales solon, kung wala naman ebidensya ay huwag na sana idamay ang mga opisyal.
“Alam naman natin sabi nga nila si dating Senator Trillanes – pambansang Marites ‘no, so, napaka unfair naman duon sa mga Heneral na sinasabi niya ‘no, na nasasangkot na naman ang ating military, ang ating PNP, so sana wag na lang nating idinadamay ‘no, ah kasi napaka importanteng sangay ng ating pamahalaan ang AFP atsaka ang ating PNP, sila yung nagpapatupad ng ating batas,” sabi ni Khonghun.
Sa isang press conference sinabi ng dating senador na mayroong mga aktibong senior PNP officials na nagre-recruit umano para sa planong destabilisasyon.| ulat ni Kathleen Forbes