Inaresto ng mga awtoridad sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian national na sinasabing konektado sa kilalang Mexican Sinoloa drug cartel matapos ang isang operasyon na isinagawa sa Bogo, Cebu.
Kinilala ang nasabing Australian national na lalaki na si Gregor Johann Haas, 46-anyos, na pinaghahanap ng Interpol dahil sa kasong kinahaharap nito sa Indonesia dahil sa tangkang pagpupuslit ng higit sa limang kilo ng methamphetamine o shabu na nakatago sa mga ceramic tile mula sa Guadalajara, Mexico.
Inilabas ang kaugnay na arrest warrant para kay Haas noong ika-29 ng Enero dahil sa nasamsam na mga droga noong Disyembre 2023.
Ayon sa mga awtoridad, may malaking koneksyon si Haas sa Sinoloa Cartel, na isang international criminal syndicate na kilala sa pagpupuslit ng droga at money laundering.
Kasalukuyang nakakulong si Haas sa BI warden facility sa Taguig City habang hihintay ang pagproseso sa deportasyon nito.
Tinagurian namang malaking tagumpay ang pagkakaaresto kay Haas, ani BI Commissioner Norman Tansingco, sa kanilang laban kontra sa international drug trafficking.| ulat ni EJ Lazaro