Malaki ang epekto ng Bagyong Aghon sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon batay sa monitoring ng RP1 Lucena.
Sa Pagbilao Quezon, isang bahay ang nalipad ang bubong kaninang umaga dahil sa lakas ng hangin at ulang dala ng bagyo.
Tumaas na rin ang tubig-baha sa Lopez Quezon habang minomonitor ng MDRRMO ang Lolong bridge na posibleng umapaw kapag nagpatuloy hanggang mamayang hapon ang pag-ulan.
May mga nabuwal na puno at naputol na mga sanga ang ngayo’y nakakalat sa Lucban, Quezon habang ang Sariaya lalo na ang coastal barangay ay nakararanas ng mas malakas na ihip ng hangin.
Ang detour bridge sa Brgy. 5 sa Lucena City ay umaapaw na ang tubig simula pa kaninang alas-5:00 ng umaga.
Hindi rin nakaligtas ang Padre Burgos Quezon sa pagtaas ng tubig-baha habang patuloy na hinahampas ng malalaking alon ang karagatang sakop ng Mauban Quezon.
Patuloy ang payo ng PDRRMO Quezon sa lahat na manatiling ligtas at alerto sa lahat ng oras. | ulat ni Mae Formaran | RP1 Lucena