Maaaring kasuhan ng perjury si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung mapapatunayang nagsisinungaling ito sa pagdedeklara sa kanyang sarili bilang isang Pilipino.
Inihayag ito ni Commission on Elections chairman George Garcia sa isang panayam sa Senado ngayong araw.
Pinaliwanag ni Garcia na ang mandato lang ng poll body ay hingin ang mga requirements ng mga nais kumandidato sa public office gaya ng certificate of candidacy, kung saan nila dinedeklara ang kanilang pagiging Pilipino.
Pinaliwanag ng COMELEC chair na hindi minamandato sa kanila ng batas na patunayan ang pagka-Pilipino ng isang kakandidato.
Ipagpapalagay lang aniya ng poll body na totoo ang deklarasyon ng isang kakandidato na siya ay Pilipino bilang sinumpaan niya ito.
Ministerial lang aniya ang ginagawa ng COMELEC na tanggapin ang kandidatura ng mga gustong tumakbo maliban na lang kung kalaunan ay may maghain ng disqualification laban sa isang kandidato.| ulat ni Nimfa Asuncion