Sinabi ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sa social media lang niya nalaman ang criminal record ng mga dayuhang business partner niya.
Ayon kay Guo, matapos niya itong makita aa Facebook post ni Senadora Risa Hontiveros ay saka niya ito sinearch sa internet para malaman kung totoo nga ang mga criminal record ng mga ito.
Una nang isiniwalat ni Hontiveros na ang ilang incorporator ng Baofu na kasama ni Mayor Guo ay nasasangkot sa iba’t ibang mga kaso.
Gaya na lang ng Chinese national na si Zhang Ruijin na nahatulan nitong nakaraang linggo dahil sa pagkakasangkot nito sa pinakamalaking money laundering case sa Singapore samantalang ang Dominican national naman na si Baoying Lin ay nahaharap rin sa iba’t ibang mga kaso.
Samantala, isiniwalat naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na may hawak impormasyon mula sa isang ‘very reliable source’ na may ka-live in partner si Guo na siyang nangangasiwa ng operasyon ng iligal na POGO sa Bamban, Tarlac.
Bagay na itinanggi naman ni Guo.
Paggiit ni Guo, wala siyang karelasyon at wala rin siyang kaugnayan sa POGO.| ulat ni Nimfa Asuncion