Pinuna ni Batangas Rep. Gervile “Bitrics” Luistro ang mga napaulat na pang-aabuso ng ilang mga taxi at tricycle driver sa mga banyagang turistang nagbabakasyon sa bansa.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo, sinabi ni Luistro ang nakakahiyang mga gawi ng ilan nating mga taxi at tricycle driver na nakuhanan pa ng video na naniningil ng sobra-sobra sa mga turista.
Inihalimbawa ng lady solon ang pangingikil ng ₱1,500 ng isang tricycle driver sa isang German content creator sa Binondo, Manila na dapat ay nasa ₱250 lamang.
Ang nasabing vlog ay nag-viral pa worldwide kung saan umani ng maraming views.
Mayroon din aniya sa isang interview ng isang Korean pop idol na bumisita sa Pilipinas kasama ang kanyang ina na nasingil ng ₱1,000 para sa taxi ride at ang paniningil ng isa ring taxi driver ng ₱10,000 sa isang turitsa na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Luistro, malalagay sa hindi magandang reputasyon ang ating tourism industry sa gawi ng ating mga kakabayang nananamantala ng mga banyagang bisita.
Aniya, kailangan nang kumilos upang matigil ang overcharging sa mga turista.
Panahon na aniyang ipatupad ang joint administrative order ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of the Interior and. Local Government (DILG) para sa mas mabigat na parusa sa mga pasaway na drivers at operators.
Dapat din aniyang pangunahan ng Department of Tourism (DOT) ang public awareness campaign para sa standard fare at kanilang entitlement bilang isang turista sa Pilipinas. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes