Kinunpirma ni House Committee on Legislative Franchises Chair Gus Tambunting na nakatanggap ang komite ng liham mula sa Banco de Oro (BDO), na naglilinaw ukol sa reklamo umano ng banko laban sa MERALCO.
Ito ay sa gitna pa rin ng pagtalakay ng franchise renewal ng power provider.
“Yes, there was a letter,” sabi ni Tambunting sa isang mensahe.
Nakasaad sa liham ng bangko na wala itong ibinigay na awtorisasyon sa Manjares & Manjares law firm, na nilagdaan ni Norberto C. Manjares III, para ilabas ang sinasabing reklamo.
Ilan kasi sa miyembro ng franchise committee ang nagsabi na kung hindi mareresolba ang reklamo ng BDO sa MERALCO ay makakaapekto ito sa desisyon kung bibigyan ito ng panibagong 25 year franchise.
Sabi ng legal counsel ng bangko, mayroon nang dayalogo sa pagitan ng BDO at MERALCO at maganda ang itinatakbo nito.
Iniimbestigahan na rin aniya nila ang hindi awtorisadong paglalabas ng dokumento na may kaugnayan sa reklamo.
“BDO finds the urgent need to inform the Honorable Committee that it has no participation whatsoever regarding the preparation or sending of the said letter” of Manjares. For the information of the Honorable Committee, the Bank and MERALCO are presently engaged in discussions to resolve the issues” and that these discussions are, in fact, progressing well,” saad sa sulat ng BDO.
Nag-ugat ang isyu matapos mag-apply ang BDO para sa electric service para sa kanilang expansion project sa Makati.
Ngunit sinabi ng MERALCO na mangangailangan ito ng bagong substation.
Iginiit naman ng MERALCO sa Komite na patuloy itong nagbibigay serbisyo sa kasalukuyang pangangailangan ng BDO. | ulat ni Kathleen Jean Forbes