Ipinapanukala ngayon ni OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino na dagdagan ang benepisyong makukuha ng mga manggagawa sa pribadong sektor na natanggal sa trabaho.
Sa kaniyang House Bill 10286, aamyendahan ang kasalukuyang Social Security Act of 2018 upang madagdagan ang involuntary separation benefit ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sakaling maisabatas, mula sa 50% average monthly salary credit coverage ay gagawin nang 75% ang halaga ng cash benefit na matatanggap nito sa loob ng dalawang buwan bilang konsiderasyon sa mataas na inflation.
Giit ng mambabatas, minsan ay nagiging ‘traumatic’ para sa isang empleyado ang hindi inaasahang pagkawala ng trabaho.
At bagamat may batas na magbibigay ng benepisyo at kompensasyon sa kanila ay hindi na ito sasapat sa taas ng bilihin sa kasalukuyang panahon.
“Inflation rate is continuously on the uptick while our purchasing power is diminishing. Thus, I am proposing an increase of the involuntary separation benefit from 50% to 75% of the AMSC.” ani Magsino.
Partikular na makikinabang sa panukala ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), solo parents at mga kasambahay na maaapektuhan ng involuntary separation. | ulat ni Kathleen Jean Forbes