Bukod sa murang gulay at bigas, mayroon ding maagang pila para sa bentahan ng sariwang karneng baboy sa ADC Kadiwa Store sa Elliptical Road, Quezon City ngayong araw.
Dala ito ng Luntian Multipurpose Cooperative na nagbitbit ng tatlong bagong katay na baboy para ibenta sa mas murang halaga.
Ayon sa naturang kooperatiba, mas mura ng nasa ₱20-₱30 ang paninda nilang karneng baboy kumpara sa palengke.
Kabilang sa kanilang paninda ang:
Laman – ₱310 kada kilo
Liempo – ₱330 kada kilo
Buto buto – ₱260 kada kilo
Ulo – ₱150 kada kilo
Tuwing Biyernes naglalatag dito ng sariwang karneng baboy ang naturang kooperatiba na kadalasang maaga ring nauubos dahil sa dami ng tumatangkilik.
Samantala, magpapatuloy naman ngayong umaga ang bentahan din ng murang bigas na ₱29 kada kilo sa ADC Kadiwa store.
Sarado pa ang Kadiwa store pero makikitang nakasalansan na ang tig-5 kilo sa loob ang mga ibebentang bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa