Nanawagan ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na dumaan lang sa mga lehitimong proseso.
Ito ang naging tugon ng BI matapos makauwi sa bansa ang siyam na Pilipinong biktima ng scam hubs mula sa ibang bansa.
Batay sa sumbong ng nasabing mga Pinoy, na recruit sila gamit ang social media platform gaya ng Facebook at messaging app na Telegram.
Pawang nakuha ang mga biktima sa pamamagitan ng malalaking sahod kapalit umano ng pagiging customer service representative.
Subalit nang makarating na sa Thailand at bumyahe ng bangka papuntang Laos ay ginawa silang scammers at kung hindi susunod ay mamaltratuhin.
Base sa pahayag ng BI, nakatakas lang ang mga Pilipino nang makaramdam ang mga may hawak sa kanila na may pinaplano na ang mga ito kaya sila pinakawalan.
Panawagan ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco sa mga naghahanap ng trabaho na huwag tumanggap ng illigal offers at huwag magpabulag sa malaking sweldo abroad. | ulat ni Lorenz Tanjoco