Tinatayang aabot sa 49 na mga banyagang sex offender ang napigilang makapasok sa Pilipinas ng Bureau of Immigration (BI) sa unang apat na buwan ng 2024.
Ang nasabing bilang ay mas mababa kumpara sa 64 na indibidwal na napigilan ng BI sa kaparehong panahon ng 2023.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang pagbaba ng bilang ay dahil sa tagumpay umano ng proyekto ng BI na #Shieldkids Campaign, na inilunsad ngayong taon.
Ang nasabing initiyatibo ay nag-aanyaya sa publiko na iulat sa kanilang tanggapan ang mga potensyal na sex predator at upang mahadlangan ang mga foreign offender na puntiryahin ang Pilipinas.
Binigyang-diin din ni Tansingco ang mga proaktibong hakbang ng BI upang hindi na subukan pang makapasok sa bansa ng mga foreign pedophile.
Nangunguna sa listahan ng BI ng mga registered sex offender ay mula sa Amerika, na kapwa sinusundan ng United Kingdom at Germany.
Tiniyak naman ng BI na nananatiling matatag ito sa kanilang misyon na protektahan ang mga kababaihan at kabataan sa Pilipinas laban sa mga banyagang sex predator.| ulat ni EJ Lazaro