Hindi na tuluyang nakapasok pa ng bansa ang isang lalaking Indian national matapos siyang maharang ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinasabing kasama ang pangalan ng lalaking Indiano na kinilala na si Kulwinder Singh sa listahan ng BI ng mga undesirable foreigner at sinasabing subject ng isang blacklist order na naihain dito noong nakaraang taon.
Kaya naman agad itong naharang ng mga kawani ng BI pagkalapag ng sinasakyan nitong Scoot airlines flight mula Singapore.
Agad namang pinabalik sa kanyang port of origin si Singh matapos itong hindi na tuluyang papasukin sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commisioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng pagbabantay ng mga border ng bansa lalo na sa mga indbidwal na banta sa ating seguridad. | ulat ni EJ Lazaro