Naghain ng petisyon ang grupong United Filipino Consumers and Commuters para ipa-audit ang Cagayan de Oro Water District sa Local Water Utilities Administration o LWUA.
Sa kanilang petisyon sa pangunguna ng Lead Convener na si RJ Javellana, nais nilang silipin ng LWUA ang kapabayaan ng naturang water district at malaking pagkakautang na hindi nabayaran mula sa Cagayan de Oro Bulk Water Inc.
Nalaman din ng UFCC ang mataas na non-water revenue ng nasabing water district subalit hindi nasisingil.
Noong 2021, naitala ang 55.39% na non-water revenue habang 50.05% noong 2022 kung saan ang nawalang halaga ay umaabot na sa P765.268 milyon.
Sa Annual Audit Report ng Commission on Audit noong 2023, pumalo sa 150% ang hindi nakolektang singilin kung saan sobra ito sa non-water revenue standard ng LWUA.
Sabi pa sa report ng COA, ang Board of Directors ng Cagayan de Oro Water District ay tumanggap ng kanilang mga sweldo sa mga board meeting ngunit wala itong opisyal na tala sa kanilang minutes.
Dahil dito, hinihingi ni Javellana ang LWUA na manghimasok na sa problema ng naturang water district at agad isailalim sa audit upang maaksyunan ang napakaraming problema sa pamamahala nito. | ulat ni Mike Rogas