Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katolikong obispo at pari na ipanalangin ang Oratio Imperata para sa ulan bilang tugon sa mataas na heat index at tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sa sulat ng CBCP, na inilabas nitong Biyernes, May 3, ibinahagi nito ang Oratio Imperata Ad Petendam Pluviam na inihanda ng Episcopal Commission on Liturgy (ECLit).
Ang Oratio Imperata ay isang espesyal na panalangin para sa partikular na intensyon, na karaniwang binibigkas sa mga misa. Sa panalanging ito, hinihiling ng mga obispo sa Panginoon ang ginhawa mula sa sobrang init at ang kinakailangang pag-ulan sa mga naapektuhang lugar.
Sa ngayon patuloy na nakakaranas ng epekto ng El Niño ang maraming lugar sa bansa kung saan sa huling tala ng Task Force El Niño nitong Martes hindi bababa sa 131 areas na ang kasalukuyang nagdeklara na ng State of Calamity.
Patuloy naman ang pamahalaan sa pag-abot ng mga tulong partikular sa mga pamilyang apektado ng El Niño kabilang na dito ang P101 million na humanitarian aide mula sa Department of Welfare and Development (DSWD).| ulat ni EJ Lazaro