Kampante ang Commission on Higher Education (CHED) na marami nang agri students ang makakapasa sa Licensure Examination for Agriculturist (LEA).
Ito’y matapos magkasundo ang CHED, UP Los Baños at 15 State Universities and Colleges (SUC) na magbigay ng libreng online review program sa mga estudyante mula sa mga malalayong lugar sa bansa.
Isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan na ni CHED Chairman Prospero de Vera, UP President Angelo Jimenez, UPLB Chancellor Jose Camacho Jr., at mga Presidente at kinatawan ng SUCs para sa inilunsad na “ExcelLEArate”, isang Review and Strategy Program to Empower Students para sa Licensure Examination ng mga Agriculturist.
Ayon sa CHED, maraming SUCs ang nag aalok ng BS in Agriculture na may mababang National Passing Percentage (NPP)sa nakalipas na limang taon.
Maraming estudyante ang bumagsak sa mga licensure tests dahil sa kawalan ng review schools sa kanilang lugar.
Gagamitin ang expertise ng UP Los Baños para magsagawa ng libreng licensing classes sa agri-students na naghahanda para sa LEA.
Pasisimulan ang review program sa Hunyo ngayong taon bago ang 2024 October Licensure Examination for Agriculturists.| ulat ni Rey Ferrer