Naligtas ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang isang 30 taong gulang na Chinese national mula sa dalawang kapwa Chinese na dumukot sa kanya.
Ayon kay AKG Director Police Brig Gen. Cosme Abrenica, nasagip ang biktima noong gabi ng Mayo 19 sa Pasay City, matapos dukutin nang umaga noong araw ding iyon sa isang casino sa Pasay.
Naisakatuparan ang matagumpay na operasyon matapos magpasaklolo ang kaibigan ng biktima sa Southern Police District na nag-refer naman ng kaso sa AKG
Ikinulong sa isang hotel ang biktima at nanghingi ng ransom ang mga suspek.
Sa rescue operation ng AKG kasama ang District Special Operations Unit ng Southern Police District (SPD) at Pasay Police, napalaya ang biktima at naaresto ang 2 suspek.
Sa ngayon, nasa PNP-AKG Detention Facility na ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong kidnapping for ransom. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of AKG