Iniimbestigahan na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang background ng isang Chinese national na unang naaresto dahil sa panunutok ng baril sa Makati City kamakailan.
Ito, ayon sa CIDG, ay dahil bukod sa ginawa nitong panunutok ng baril, nakitaan pa ito ng mga “high-tech” na kagamitan sa loob ng kaniyang sasakyan.
Ayon kay CIDG Spokesperson, Police Lt. Col. Imelda Reyes, paniwala nila ay ginagamit ang mga “high-tech” na kagamitan na ito sa phishing activities.
Gayunman, aminado si Reyes na dahil bago sa kanila ang mga naturang kagamitan ay kanila itong ipinasuri sa mga eksperto para malaman kung saan ito ginagamit ng naturang banyaga.
Kahit hirap sa pagsasalita ng Ingles, inamin ng naarestong Chinese national na nasa lima hanggang anim na taon na siyang nagtatrabaho sa hindi pinangalanang POGO. | ulat ni Jaymark Dagala