Lumagda sa isang memorandum of agreement ang Commission of Elections (COMELEC) at National Commission of Senior Citizens (NCSC) para hikayatin pa ang mas maraming nakatatandang Pilipino na bumoto pagsapit ng 2025 midterm elections.
Pinangunahan nina Comelec Chairperson George Garcia at NCSC Chairperson Franklin Quijano ang paglagda sa nasabing MOA na manghihikayat ng mas maraming senior citizens sa pamamagitan ng Register Anywhere Project (RAP) ng komisyon.
Ipinahayag ni Garcia ang maayos na voting experience para sa mga senior kabilang din ang ibang miyembro ng vulnerable sectors sa susunod na halalan sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan kabilang na ang pagtulak nito sa internet voting gaya ng mga Pilipino na nasa abroad.
Kinilala naman ni Quijano ang pagsisikap ng Comelec na maabot ang mas maraming Pilipino para lamang makapagparehistro sa pagboto. Saludo umano ito sa mga ginagawa ng Comelec.
Sa ngayon, tinitingnan ng Comelec ang paggsasagawa ng nationwide mall voting at early voting hours para sa mga vulnerable sectors tulad ng mga senior citizen pagsapit ng halalan sa 2025. | ulat ni EJ Lazaro