Iminungkahi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na magkaroon ng mala-PUV modernization program ang mga mangingisda ng Zambales.
Sa ginawang public consultation sa Masinloc Zambales kasama ang nasa limang daang mangingisda, sinabi ng mambabatas na maaaring bumuo ng kooperatiba ang mga mangingisda para makakuha ng pautang sa mas mababang interes na magagamit sa modernisasyon ng kanilang mga bangka.
“You have to consolidate and form cooperatives to obtain low-interest loans from Land Bank and even subsidies from the national government like jeepney drivers, so you can have modern fishing boats,” sabi ni Fernandez.
Aminado ang mga mangingisda na hindi angkop at masyadong maliit ang mga bangkang ibinibigay ng BFAR sa kanila kumpara sa mga barko ng China na nanghaharang sa kanila sa Bajo de Masinloc.
Sabi naman ni Zambales Gov. Jun Ebdane nagkaroon na sila ng kahalintulad na inisyatiba sa lokal na pamahalaan. Gayunman, sa 65 clusters ng mga mangingisda na may 4,500 na miyembro, tanging ang bayan lamang ng Sta. Cruz ang matagumpay na nakabuo nito.
Dito, binibigyan sila ng hanggang ₱5 million na pautang na walang interes.
Nangako naman si Zambales Rep. Jau Khonghun na sa susunod na budget hearing ay titikayin nila na may sapat na budget ang BFAR para maibigay ang angkop at nararapat na tulong at kagamitan para sa mga mangingisda. | ulat ni Kathleen Forbes